Ano Ang Maidudulot Sa Atin Kapag Tayo Ay Tumulong Sa Kapwa?
Ano ang maidudulot sa atin kapag tayo ay tumulong sa kapwa?
Isa sa magagandang katangian na dapat taglayin ng isang tao ay ang pagiging matulungin. Ang pagiging matulungin sa iba ay nagpapakita ng pag-ibig at pagpapahalaga para sa kapwa. Isa ito sa mga katangian na nais ng Diyos na makita sa atin. Isa sa mga pinapayo sa atin ng salita ng Diyos ay ang ibigin ang kapwa gaya ng iyong sarili. Nangangahulugan ito na mahalaga na tulungan mo ang iba sa paraan na kung paano mo inaalagaan ang iyong sarili. At siyempre, kinakailangan na bukal ito sa iyong loob at hindi napipilitan lamang.
Pero ano nga ba ang maidudulot sa atin kapag tumulong tayo sa kapwa? Oo, ito ay magdudulot sa atin ng kasiyahan. Ito ay klase ng kasiyahan na hindi natin mararamdaman kapag nabibili ang gusto natin. Ang kasiyahan na ito ay isang bagay na tunay na nakapagbibigay ng ligaya sayo. Isa pa, magdudulot ang pagtulong sa iba na malinang ang ating sarili at magkaroon ng magandang ugnayan sa iba. Magbibigay ito ng positibong pananaw ng iba sayo. Hindi lang iyon, maaaring kapag ikaw naman ang nagipit o nangailangan, siguradong may tutulong sayo. Sabi nga, kung ano ang ginagawa mo sa kapwa mo, yun rin yung gagawin nila sa iyo.
Kaya ang pagpapakita ng katangian na pagkamatulungin ay magbibigay sayo ng daan upang mapalapit sa iba, matuto mula sa kanila, mas maging positibo at maligaya pa nga.
Comments
Post a Comment